Noong unang panahon, panahon pa ni Mahoma ay may isang kaharian na pinepwerwisyo ng mga Gagamba at Langaw. Kaya inutusan ni Mahal na Haring Kot si Prinsipe Pot na lipulin ang mga ito sa kanilang lupain dahil ito daw ay peste. Mabilis naman na sinunod iyon ng Prinsipe.
Isang araw habang nililipol ni Prinsipe Pot ang salot sa kanilang lupain ay may mga Bandido na nais siyang patayin, hinabol siya ng mga ito at hanggang sa makarating siya sa isang maliit na kuweba at nagtago.
Inabot ng magdamag ang Prinsipe sa sa pagtatago sa loob ng kweba, maya-maya pa ay dumating na ang mga Bandido para tignan kung nandoon siya sa loob. Sa bukana pa lang ng kweba ay nabwisit na ang mga Bandido dahil sandamakmak ang mga agiw na humaharang sa kanilang pagpasok. Kaya naisip ng mga Bandido na wala doon ang hinahanap nila dahil kung pumasok doon ang Prinsipe ay dapat wala na ang mga sapot ng gagamba. Kaya nagmadali silang umalis para hanapin ang kanilang puntiryang Prinsipe.
Narinig ni Prinsipe Pot ang pag-uusap ng mga Bandido bago sila lumisan sa bukana ng kweba kaya laking pasasalamat niya sa mga Gagambang nasa kweba. Kaya simula noon ay hindi na niya lilipunin ang mga ito bilang pagtanaw ng utang na loob.
Nagpatuloy sa paglalakbay ang mahal na Prinsipe para lipunin naman ang mga langaw sa kanilang nasasakupan. Napadpad siya sa hilagang bahagi ng kanilang lupain at dahil sa sobrang layo ng kanyang nilakad ay napagod na siya kaya naisipan niya munang matulog para makabawi ng lakas. Pumwesto siya sa ilalim ng isang puno ma may magandang silong para makapagpahinga nang maayos.
Makalipas ang ilang oras ay papunta na sa kanyang pwesto ang mga Bandidong humahabol sa kanya. Habang naghihilik ang Prinsipe ay na nahigop niya ang isang langaw at bigla siya nagising. Ibinuga niya yung insekto at asar na asar siya dahil naistorbo ang kanyang pagtulog. Nang pupwesto na siya dapat para matulog ulit ay nakarinig siya ng mga maiingay na yapak na nagkwekwentuhan na mga tao. Paglingon niya ay nakita na niya ang mga Bandido kaya gumapang siya papunta sa ilalim ng isamg malaking puno at tinabunan niya ang kanyang sarili ng mga tuyong dahon nito.
Hindi namalayan ni Prinsipe Pot na nakatulog na siya habang nagtatago at paggising niya ay napagtanto niya na itigil na rin ang paglipol sa mga Langaw. Kaya nagpasalamat siya sa mga ito at sinimulan na ang kanyang paglalakbay pabalik ng Kastilyo.
Pagdating sa may tarangkahan ng kanilang Kastilyo ay sinalubong siya ng mga mamamayan at ng kanilang Mahal na Haring Kot. Tinanong siya ng kanilang Hari tungkol sa iniutos sa kaniya na paglipol sa mga Langaw at Gagamba sa Kaharian. At ipinagmalaki ni Prinsipe Pot ang pagtulong sa kanya ng mga itinuturing na "peste" kaya namangha ang Hari at binawi na ang kautusan. Nagpapiyesta na rin ang Hari para sa ligtas na pagbabalik ng Prinsipe at nag-alay sila ng mga pagkain sa mga Gagamba at Langaw bilang pasasalamat.
Kaya magmula noon ay dumami na nang dumami ang mga Gagamba at Langaw.
No comments:
Post a Comment